Saturday, September 3, 2011

USM sa mata ng isang bata

Maliit pa lang ako nang una kong narinig ang MIT o USM sa tatay ko. Ang aking kapatid na babae ay ipinangalan niya sa founder ng MIT. Kung pag-aaral ang pag-uusapan, malaki talaga ang paghanga niya sa institusyon na ito. Lumaki sa bulubunduking bahagi ng Cotabato ang tatay ko. At ang makapag-aral sa isang pamantasan ay sadyang napakalaking karangalan na. Well, hindi naman talagang nakapagtapos sa USM-Kabacan ang tatay ko. Ang aking ama ay nakapagtapos ng high school sa Arakan Valley Agricultural School (AVAS) bilang isa sa mga pioneer na mga estudyante. Maraming mga kwento ang aking ama sa mga karanasan niya sa MIT o at least sa AVAS. Masasabi mong walang sinabi ang UP kung makapagsalita siya. May panahon daw kasi na naipadala daw siya sa UPLB para sa FFP convention at marami daw silang napanalunan. Masaya daw ang kanilang high school life noon at magagaling ang mga guro kagaya nila Dr. Teofilo Dela Cruz, Dr. Ramon Damag, at Mr. Rapisura.

Hindi man niya sabihin, parang sinasabi na niya na ako ay mag-aaral din sa USM.  Upang maikasatuparan ang kanyang binabalak (buti naman at di maitim), paminsan-minsan ay pinapasyal nya ako sa USM campus kung makapagbakasyon kami sa Cotabato. Naninirahan kami sa Panabo at halos buong araw ang biyahe noon mula Davao hanggang Carmen. Maraming stopover: bibingka sa Digos, prutas sa Makilala, yung estatwa ng pulis na may kalong na batang patay sa Kidapawan, ang gasolinahan sa Matalam, ang alas punong paghihintay ng jeep sa may Kabacan, ang pagsakay ng ferry sa may Lumayong. Halos bawat taun-taon ay nagbabakasyon kami sa Carmen (diretso Valencia Bukidnon ikot sa Buda, sa Davao). Sa bawat paglalakbay na ito, hindi talaga mawawala ang kwentong AVAS at MIT habang nasa daan pa kami. At sa siwang ng bintana ng jeep, sa pagitan ng mga binting nakabitin (nasa topload kasi yung iba) ay di talagang makaligtaang ituro at ipagmamayabang ang USM sa hitsura ng isang mosque (IMEAS). Sa murang isipan ko ay nakakatak na ang kakaibang pamantasan na ito.  

Minsang nadalaw kami sa aking tiyuhin sa may Guiang, hiniram ng tatay ko ang bisikleta ni Uncle Tax. Angkas ako, kami ay nag-Tour de USM. Hindi ko malimutan na para akong na-stiff-neck sa kakatingala sa mga naglalakihang building habang naninigas na ang ilong ko sa alikabok. Naituro nya ang Old admin (CBDEM na ngayon), post office, student body building, gym, kadiwa, amphitheater, aringay river. Hanggang sa pugot na monumento ni Magsaysay. Kwento pa niya, nagmumulto daw ang rebultong yaon sabay kakaripas sa pagpapatakbo ng bisikleta (pang horror effect). Kahirap kaya kung nakaback-ride ka sa bako-bako at maalikabok na daan. Itinuro din niya ang CHEFS, women's dorm (sabay ngiti) at nagpahinga saglit sa harap ng presidential cottage. Ang landmark talaga na nakatatak sa mura kong pag-iisip ay ang matayog na tower ng scouting. Iwan ko rin, manghang-mangha talaga ako sa tower na yon to think na di pala ganun kataas yun!

Sinabotahe talaga siguro ako ng tatay ko dahil kahit ang pagkuha ng UP entrance ay hindi siya pumayag. Sa madaling sabi, ako ay mag-aaral na sa USM. Wala pa akong napupusuang kurso. Pero ang ama ko gusto niya akong kumuha ng BSA Plant Pathology. Kasi nga naipangalan ako sa isang American agriculturist ng TADECO na naging kaibigan ng tatay ko habang nagsisikyu siya doon. Pero pinirata ako ng aking tiyuhin sa agricultural engineering. And the rest is history.
 

No comments:

Post a Comment